Places Hostels Photos Forum

Memberlist Your Bookmarks Login Register :: Why Register?


Backpack New Zealand > Forum > Immigration & Working

Filipinos who want to work abroad...


Goto page 1, 2  Next
Post new topic   Reply to topic
Author
Message
Pilosopotasyo
Guest





PostPosted: Mon Jan 17, 2005 4:04 am    Post subject: Filipinos who want to work abroad... Reply with quote

It is not an accident that you were able to get into this link. You're a Pinoy and you are searching over the net about working abroad and/or migrating - getting away from the Philippines. Yes, I am on the same road too. And I would just like to share my thoughts and experiences about this subject.

My suggestion is for you to simply read on....upto the last Part of this write up. Because if you do, "you will not judge the book by its cover".

If you believe there is a purpose for you to forward this link/site/information to our fellow kababayans because it can help, please do so.

Here it goes...
Back to top
Guest






PostPosted: Mon Jan 17, 2005 4:07 am    Post subject: Reply with quote

HANEP-buhay

Disyembre 2004

“More than 10 years” na pala nang una kong matanggap ang “minimum wage” mula sa dating kumpanyang pinapasukan ko sa Makati. P3,300.00 kada buwan ang “starting salary” ko noon – sweldo ng isang “entry-level” na empleyado. Hindi pa bawas ang “standard” na kaltas doon…na kailan lang, nadiskubre ko na ang kontribusyon ko sa SSS at PAG-IBIG ay hindi pala nire-remit ng employer ko na iyon. Hanep, ano? “Anyway”, sumulat lang ako para ibalita sa iyo…sa “abroad” na ako nagtatrabaho ngayon. Mahabang istorya pero salamat sa Diyos sa biyayang ito.

Eh, ano ngayon? Ano nga ba ang “paki” mo kung mabasa mo itong sulat ko? Meron. PAKI-basa mo lang, LIBRE ito.

Alam mo ba na napag-iiwanan na tayo sa progreso ng maraming bansa lalo na kung ikukumpara sa buong Asya? Mga kapit-bahay natin sa Timog-Silangang Asya (Hong Kong, Singapore, Vietnam, atbp.), “30 years ago”, mas “angat” tayo sa kanila. Ngayon….hindi lang tayo kulelat – ang layo na ng agwat nila sa atin. Halimbawa na lang ay ang gobyerno ng Singapore: pinag-uusapan na nila ngayon ay kung paano sila magiging “X-factor” – ‘yun bang maging pamantayan bilang pinaka-kaledad na bansa sa buong mundo. Hanep, ano?

Sa mahal nating bayan kaya, ano ang pinag-uusapan ngayon? Ah, ganun pa rin: ang sandamukal na HANEP nating problema – “as usual”, mga dati nang problema ng bayan. Sabi ng mga nag-“migrate” na kababayan natin (mula pa sa iba-ibang lupalop ng mundo…iisa ang sinasabi): “Dati nang problema ‘yan…meron bang nabago?”

Dati na ngang problema ang “squatters”, polusyon, “unemployment”, prostitusyon, “poverty”, krimen, “flooding”, droga, “illegal gambling”, “corruption” sa gobyerno, at kung anu-ano pa - baka may naisip ka pang hindi ko nabanggit…sorry!

Teka, ano ba ang punto ko? OK…hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa…

Kung ang bayan ay maunlad, hindi magiging problema ang mga nabanggit ko AT hindi iyan mararanasan pa ng mga susunod sa atin. Oo, mula sa mga magiging anak at apo natin…maipapamana ang mga “sakit” na ito hangga’t di tayo nagbabago. Sino ba ang dapat masilip dito?
Back to top
Guest






PostPosted: Mon Jan 17, 2005 4:08 am    Post subject: Reply with quote

Unahin natin ang gobyerno…

Hindi sagot ang magkaroon ng reporma sa gobyerno kung ang mga nakaupo o uupo ay mga “balasubas” pa rin. Kahit ano pa ang ipalit natin na klase ng gobyerno – kahit demokrasya o komunismo – di mawawala ang “ugat” ng problema ng bayan. Kahit ilang beses pa magkaroon ng “People Power” kung ang ma-uupo ay “trapo” at makakain ng “bulok na sistema” – wala pa rin. Ngayon ngang may demokrasya tayo – sobra naman ang abuso. Mga opisyal na huling-huli na sa aktong nagnakaw sa kaban ng bayan, pero hindi pa rin nila aaminin - lumulusot pa (matindi ang “agimat” nila ‘no)!

Bakit naging problema ang trapiko sa mga “urban areas” lalo na sa Maynila? “Actually”, kahit sa probinsya, nagiging problema na rin ito. Matatalino naman tayong mga PINOY pero bakit hindi naisip noon na magkaroon ng “grand design” para sa “road and transportation”? Dahil kaya sa pulitika? Dahil kaya sa relihiyon? Nakadagdag pa ang iba’t ibang “modes of public transportation” natin kaya lalo na sumikip ang kalsada: pedicab, tricycle, jeep, taxi, FX, bus at iba pa (at isama mo na pati mga “kolorum” ha)! Pati na ‘yung mga “super” sa bulok na mga sasakyan – ‘yung mga makakapal na usok ang ibinubuga ng tambutso at saka ‘yung mamatay ka sa “tetano” dahil sa kalawang kapag nabangga ka ng mga ito - narerehistro pa rin hanggang ngayon; makikita mo pa ring gumagala sa kalsada. Idagdag ko pa pala yung mga “binasurang” mga sasakyan galing ng Japan, Korea, at U.S. – naibebenta pa sa Pilipinas ng “buy-1-take-3”. Tsk, tsk, tsk…naghihirap nga ang Pilipinas.

Di natin masisi ang mga may-ari nito – naghahanap-buhay eh. Wala nga kasing makuhang ibang trabaho. Kesa nga naman magnakaw o mang-“holdup”.

Dito rin ang pupuntahan ng itatanong ko: may makikita pa kaya tayong namamalimos sa kalsada, naglipanang mga “squatters”, iba-ibang klase ng krimen dito at doon….kung mayroon silang marangal at de-kaledad na hanap-buhay? Ang taong gutom at walang trabaho, kakapit sa “patalim” para lang mabuhay…lalo na kung wala namang ibang tutulong.

Ang trabaho para sa mga Pilipino ay isa sa mga responsibilidad ng gobyerno. At marami sanang paraan para makatulong ang gobyerno na makapagbigay ng trabaho sa kanyang mamamayan. Kung sa ngayon na wala namang ma-“produce” na mga “matitinong” negosyo ang gobyerno para makapagbigay ng hanap-buhay sa masa, mang-akit na lang sana ng mga mamumuhunang dayuhan. Pwede muna sanang manghikayat ng mga dayuhang negosyante na mag-“invest” sa ating bayan. Ang kaso, marami sa kanila ay nangingiming makipagsapalaran dahil hindi raw maganda ang sistema sa ating bansa. Tulad na lang ng kumpanyang pinapasukan ko ngayon – desisyon ng pamunuan na huwag muna maglagay ng “business presence” sa bansang Pilipinas dahil hindi raw malinaw ang “policy” ng ating gobyerno “against fraud and money laundering”. Naiintindihan mo ba ang ibig sabihin nito? Ipapaliwanag ko…
Back to top
Guest






PostPosted: Mon Jan 17, 2005 4:10 am    Post subject: Reply with quote

Nakakalusot daw sa atin ang mga milyon-milyong pera na itinatago sa bangko na hindi malaman kung “saan” ang pinagmulan; kung ano ang “legal” na pinagmulan nito. Malas lang ni Erap at ni Garcia dahil nabuking sila. Marami pa dyan na hindi pa nabibisto (hindi lang mga opisyal ng gobyerno sinasabi ko rito, ha)…mas mahuhusay kasi silang magtago; mas magagaling lumusot, eh. At hindi ba nakakapagtaka, sa una pa lang, nakakapagdeposito ang mga ito sa mga bangko natin ng milyon-milyong piso at pati na dolyar (may deposito rin na milyon ‘yun sa bangko ng ibang bansa, ha; idagdag mo pa ‘yung mga “foreign properties” nila) na walang humaharang? Ibig sabihin, ang bansa natin ay nagiging pamugaran ng mga tinagong yaman na ilegal ang pinagmulan.

Hindi lang naman ito ang problemang susuungin ng mga dayuhang mamumuhunan sa ating bayan. Isa pang nadiskubre nila ay ang sistemang “padulas” natin. Nasanay tayo sa “lagay”. Mabagal tatakbo ang papeles mo kapag wala kang perang nakaipit. Pahihirapan ka pa kapag gusto mo idaan sa legal na proseso. O di kaya, kailangan pa ng malakas na “padrino” para maayos agad nilalakad mo.

Kaya hindi natin maipagmamalaki sa buong mundo na meron tayong tinatawag na “integrity” at “honesty” sa ating gobyerno. Integrity? Ah, ito ‘yung “income tax” na binayad ni Juan dela Cruz at pagkatapos ay ginawan ng anomalya ng isang kawani ng gobyerno. Honesty? Ah, ito naman ‘yung nabuking na nga sa paggawa ng anomalya, “deny-to-death” pa rin.

Meron pa. Natatakot din ang mga dayuhan kasi baka raw madamay pa sila sa “hold-up”, “kidnap-for-ransom” o “extortion” cases sa bayan natin, na marami ang pinanggagalingan – mula sa mga “goons” hanggang sa mga terorista, NPA, at pati na “hoodlums in uniform”. Oo nga naman, kaya nga kailangan mong taasan ang bakod, gawing parang hawla at kandaduhan ng maigi ang bahay mo dahil malingat ka lang, na-“akyat-bahay gang” ka na (nasa loob ka pa ng bahay mo nun, ha).

May kinalaman din ang kasalukuyang kalagayan ng ating “Infrastrucutre System”. “Poor” ang “rating” ng isang “independent survey” na nabasa ko sa Internet. May katuwiran. Kapag sa Singapore ka kasi pumunta, LAHAT ng lugar na may “building” o bahay doon ay “telephone-connection ready” na. “Apply” ka lang sa “telephone service provider” at pagkatapos ng tatlo hanggang limang araw, pwede mo nang simulang mag-tele-babad. Pumunta ka sa Vietnam at kahit liblib na probinsya doon, may cable TV at linya ng telepono.

Hindi lang daw “telephone system” ang “poor” sa atin…pati raw kalsada. Ewan ko ba kung bakit ilang beses sa isang taon nire-“retouch” ang maraming kalsada sa atin dahil laging nasisira o nalulubak. Mapalad pa ‘yang mga kalsadang inaayos – meron pang mga sira at lubak na kalsadang maghihintay ka pa ng matagal na panahon bago maayos. Bakit ang mga kalsada sa Japan, South Korea at iba pang bansa ay bumibilang ng ilang taon bago masira o malubak?

Isa pang nakakapanghinayang…alam mo ba na ang Pilipinas ang dapat na “Regional Hub” o SENTRO ng kalakalan sa rehiyon ng “Asia Pacific” kung ang paraan ng pagdala ng iba’t ibang produkto ay sa pamamagitan ng dagat? Hindi dapat sa Singapore, Hong Kong, o Taiwan ang may hawak ng trono nito – ang Pilipinas dapat. “Strategic location” ang ating bansa para sa “global trading”. Bakit ko nasabi ‘to? Tumingin ka sa “world map” para “makita” mo rin. Ang mga produktong nagmula sa North at Central America, Australia at New Zealand ay pwedeng idiskarga muna sa ating bayan dahil mas malapit ang distansya ng bayan natin sa lugar nila. Mula sa ating bansa, pwede na i-“trade” ang mga produktong ito papunta ng Asia, Europe, Middle East at Africa. Ganun din naman kapag ang mga produkto ay galing sa Asia, Europe, Middle East at Africa – pwedeng idiskarga muna sa ating bayan para ipagkalakalan sa North at Central America, Australia at New Zealand. Hindi lang distansya ang pinag-uusapan dito – mas mababa ang “labor” natin kaysa Singapore, Hong Kong at Taiwan. Kung ikaw ay negosyante, siyempre pipiliin mo kung saan ka mas makakatipid at kikita ng mas malaki. Ang kaso, nabanggit ko na ang ilan sa mga dahilan kanina kung bakit napipigilan ang posibilidad na ‘to.
Back to top
Guest






PostPosted: Mon Jan 17, 2005 4:12 am    Post subject: Reply with quote

Ang kumpanyang pinapasukan ko ay may “yearly revenue” na “US$ 3 billion”. Kung naakit ang pamunuan nito na maglagay ng presensya sa bayan natin noon pa man, ilang libong Pilipino sana ang nagkaroon ng trabaho ngayon. Isa pa lang ‘yan sa mga potensyal na dayuhang pwedeng maglagay ng “business” dito. Potensyal din sanang dagdag na kita ng gobyerno. “Domino Effect” ‘yan – kapag dumami ang gustong mag-“invest”, uusbong ang iba-ibang klase ng negosyo…magkakaroon ng iba’t ibang klase ng trabaho…magkakaroon ng iba’t ibang klase ng hanap-buhay…lahat ay dagdag na kita para sa “kaban ng bayan”.

Kaban ng bayan. Parang bangko ‘yan. Pwede kang mag-“withdraw” sa oras ng pangangailangan. Magagamit para sa marami at iba’t ibang klase ng paraan. Pwedeng pa-ikutin para lalong kumita at makapag-“produce” ng iba-ibang negosyo. Mga negosyo ng gobyerno na makakapagbigay ng maraming hanap-buhay para sa mga Pilipino. Pondong pwede sanang makatulong para magkaroon ng isang klase ng “community service” tulad ng “society awareness and development” para sa masa. Pondong pwede sanang paglaanan para tumaas ang antas ng sistemang pang-edukasyon ng mga pampublikong paaralan. Pondong pwede sanang paglaanan para tumaas ang antas ng “infrastructure system” ng ating bayan. Dagdag na pondo para pwedeng itaas ang antas ng sweldo ng lahat ng empleyado ng gobyerno para di na sila makapag-isip ng iba pang “sideline” dahil sa liit ng kita. Pero paano ka makakapag-“withdraw” kung ang nakalagay sa kaban ay puro utang? Utang na taon-taon ay palaki nang palaki. Hindi pa isinisilang ang magiging anak mo, may utang na syang dapat bayaran. At pagkatapos…inutang na nga…may kumukupit pa.

Ang Pilipinas ba ay bansang malaya kung siya ay lubog sa utang? Kaya nadidiktahan ng mga banyaga…alipin sa sariling bayan?
Back to top
Guest






PostPosted: Mon Jan 17, 2005 4:16 am    Post subject: Reply with quote

Ayan, nabugbog ko na ang gobyerno. Pero teka, ano ba ang gobyerno?

Ang gobyerno ay salamin ng mga taong nasasakupan nito. Nangangahulugan ba na kung masama ang gawi ng gobyerno, pangkalahatang dahilan ay ang mga mamamayan nito?

Kung hindi ka sasang-ayon, silipin naman natin ang isa pang dahilan kung bakit ang bayan ay di makaahon sa kumunoy ng kahirapan: ang mamamayan ng gobyerno…ang lahi ni Juan dela Cruz…ang lahing PINOY.

Marami sa lahing Pinoy ay MAY DISIPLINA. Makikita mo ‘yan sa mga tumatawid sa kalsada. Meron na ngang “pedestrian lane” o tamang tawiran pero may mga tatawid pa rin sa hindi dapat tawiran. May “foot bridge” at “under pass” pa ngang inilagay para “alternative” na tawiran, pero may mga pumipilit pa ring dumaan sa mga “island” na nilagyan na nga ng matataas na rehas na bakal. Sa mga pumapara naman galing ng pampublikong sasakyan, may tamang lugar naman ng babaan pero mas gusto nila pumara sa gitna ng kalsada. At isa pang nakakabilib ay ang husay ng motoristang Pinoy. Ang gagaling sa gitgitan! Kung gusto niyang mag-“change of lane”, liliko na lang siya ng basta-basta kahit hindi na sumenyas. Ganun din kapag gusto niyang ihinto ang sasakyan. Sa mga “drivers” na may dala ng pampublikong sasakyan, itanong mo kung ano ang ibig sabihin ng “yellow” sa “traffic lights” at ang isasagot sa ‘yo: “bilisan mo ang patakbo para di ka maabutan ng red light”. “Professional” pa ang lisensya na binigay dun, ha. Papaano pa kaya kung ito ang itanong mo: sino ang “priority” sa kalsada, ang motorista o ang “pedestrian”?

Kaya madalas ko rin maitanong sa sarili ko kung bakit kailangan pang may mga pulis, MMDA o “traffic aide” sa mga kalsada natin kung may mga “traffic lights/signs” namang nakalagay. Wala lang…naikumpara ko lang naman. Kasi may mga bansang tulad ng Australia, New Zealand, Singapore, Hong Kong, USA, Canada, UAE at iba pa na hindi “visible” ang mga pulis sa kalsada. Pero ang mga “pedestrians” at motorista doon, bukod sa responsable, ay sumusunod sa batas trapiko.

Marami sa lahing Pinoy ay HINDI MAYABANG. Marami ang gustong maging sikat at bida. Makikita mo ‘yan sa mga malalaking “banner” na nilalagay sa mga sira at lubak na kalsadang inaayos – mas malalaki ang mga letra ng pangalan ng tao (o mga tao) na “pasimuno” raw ng proyektong ito…na sisimulan lang gawin kapag malapit na ang eleksyon. At hindi lang ‘yan. Mahilig din magpa-“bongga” si Juan dela Cruz sa panahon ng mga okasyon. Uutang pa ‘yan ng pera para lang makapaghanda kapag may piyesta. At kung may pera naman, OK lang maubos basta makabili ng “bago” para sa pasko at bagong taon. Hindi mo ba napapansin, lalong dumadami ang “SM” sa Pilipinas? Tsk, tsk, tsk…naghihirap nga ang mga Pilipino.

Marami sa lahing Pinoy ay RESPONSABLE SA KAPALIGIRAN. Makikita mo ‘yan sa mga basurang nakatambak sa kalsada. At kung minsan, makakatiyempo ka pa ng may biglang magtatapon ng kalat sa kung saan na lang – ganoon kalawak ang kanyang basurahan. Bukod sa isa sa mga dahilan ito kung kaya kaunting ulan lang ay lubog na ang Pilipinas sa baha, dahilan din ang walang habas na pagputol ng mga puno sa ating kagubatan. At pagkatapos putulin, wala namang itinatanim na kapalit. Tingnan mo ang Manila bay, ilog-Pasig at mga ilog sa ibang lugar sa Pilipinas – dito pa lang, alam mo na ang sagot kung bakit. Dati, matutuwa ka dahil malinis ang dagat sa Batangas. Ngayon, magugulat ka kung bakit biglang naging “polluted” na ito. At minsan, pumunta ka sa bundok ng Antipolo – sa umaga pa lang, makikita mo ang Maynila kung paano sya nababalutan ng usok.

Marami sa lahing Pinoy ay HINDI MANDARAYA. Gusto mong makakuha ng “instant diploma”? Ano’ng kurso ang gusto mong natapos? At ano’ng eskwelahan ang gusto mong ipalagay? Punta ka lang sa Recto, pati “transcript of records” gagawin nila. May selyo pa ‘yun, ha. Siguro, nabalitaan mo na rin noon na na-“ban” ang ating bansa sa isang “international competition”. Ang dahilan: “dinuktor” ang edad ng ilang mga “national athletes” sa isang “category” na may “age limit”. Huwag mong sabihin sa akin na noon pa naman ang balitang ‘yan. O sige, heto ang bago…mainit pa…ang “FILshams”. At bago ko makalimutan, idamay mo na rin ang mga “pirated software”, “pirated movies” at “imitated products” na hanggang ngayon ay makakabili ka pa rin sa bangketa. Subukan mo rin pumunta sa bilihan ng mga “souvenirs” sa probinsya. Mas mura ang presyo kapag ang bibili ay taga-roon. Mas mahal ang presyo kapag ang bibili ay taga-Maynila. At “US dollar” ang presyo kapag ang bibili ay “foreigner”.

Marami sa lahing Pinoy ay DE-KALEDAD KUNG MAGTRABAHO. Uulitin ko pa ba ‘yung sinabi ko kanina tungkol sa ating kalsada? Ibahin ko naman ang halimbawa (baka sabihin mo lagi kong tinitira ang gobyerno), tingnan mo na lang ang mga tinitinda sa “shops” at “shopping malls” natin. May mga “rejects” na hindi na dapat naka-“display” pero ibinibenta pa rin. Pati nga mga kutsara at tinidor na nabili ko kailan lang. Nakalagay ang tatak na “made in the Philippines” pero madaling nayupi at kinalawang pa (“stainless steel” ‘yun ha).

Marami sa lahing Pinoy ay HINDI MAINGGITIN. Halimbawa na lang ay ang mga pulitiko natin. Para lang makuha ang ambisyon o posisyon, gagawa ng “issue” para siraan ang isa. Di hamak na tama naman ang mga suhestiyon, mungkahi o proyekto nung isa, pero haharangin naman ng kabila. Imbes na suportahan ang kalahi natin sa kanyang pag-“angat” dahil karapat-dapat naman, tayo pa ang gagawa ng paraan para sa kanyang pagkalugmok. Hindi ba may “similarity” noong panahon nina Aguinaldo at Bonifacio? Hindi ba may “similarity” din sa ating “corporate world”? Pati sa “broadcasting industry”, gagamitin ang “media” para magsiraan lang.

Marami sa lahing Pinoy ay MAY RESPETO SA KAPWA PINOY. Kaya mayroong “leftists”, “rightists” at “Muslim separatists” sa atin. Sa Pilipinas lang mayroon nyan. May nakita ka na ba’ng Intsik sa Pilipinas na pulubi o namamalimos? Wala. Kasi, may malasakit sila sa kapwa kalahi nila. Nagtutulungan sila kapag kailangan. Hindi lang sarili nila ang iniisip kundi ang kapakanan ng kalahi nila. Kaya mas naintindihan ko ngayon kung bakit may tradisyon sila pagdating sa pag-aasawa: na ang “Chinese” ay para sa “Chinese” din.

Marami sa lahing Pinoy ay HINDI NABUBUYO O NATUTUKSO SA KATIWALIAN O KASAMAAN. Ayaw ko na isa-isahin ang mga opisyal ng militar at gobyerno natin, ha…baka tamarin ka nang basahin itong sulat ko, eh. Baka ibasura mo agad sa inis. Pero hindi ko pipigilan na sabihin sa iyo na kapag eleksyon, ang boto ay nabibili – gawain na ‘yan mula pa noon hanggang ngayon. Ilang libong piso ba ang buwanang pasahod mula sa isang “Baranggay Captain” hanggang sa Presidente ng Pilipinas at halos magpatayan sila para lang maupo sa posisyon? Ay sori, hindi pala sweldo ang dahilan nito – ang mga “under the table” na kikitain pala pag naupo na. Isama mo pa ang mga makukuha nilang “balato” galing sa mga “gambling lords”, “drug lords” at iba-ibang sindikato. Akala mo ba sa gobyerno lang nangyayari ang katulad nito? Kahit sa “corporate world” natin, may mga “scenarios” din ng “incorruptibility”. Halimbawa na lang ay sa bayaran ng “corporate taxes” – tanungin mo si LT kung ano ang masasabi nya tungkol sa “incorruptibility”.
Back to top
Guest






PostPosted: Mon Jan 17, 2005 4:19 am    Post subject: Reply with quote

Masaya ka ba kung galing sa masama ang kinita mong pera? Mapapakinabangan mo ba ang lahat ng kayamanan mo kapag patay ka na? Para ano pa kung ang buhay mo ay walang silbi sa bayan? Di ba ang katumbas nito’y tinatapon na lang sa basurahan? Kaya madalas ko ring isipin: may takot ba sa Diyos ang bayan natin? Bakit mga ilegal na gawain ang lumalaganap sa atin?

Naiintindihan ko na kung bakit hanggang ngayon, “third-world country” ang turing sa atin.

Sabihin mo nang hindi ako makabayan. Pero hindi mo ako masisisi kung mas gugustuhin ko pa sa ngayon na sa ibang bansa na lang manirahan. Wala akong makuhang kapalit na trabaho matapos na magtanggalan sa kumpanyang pinapasukan ko. Wala akong makuhang trabaho na angkop sa “experience” at tinapos ko. May pamilya akong dapat buhayin. Ilang buwan akong nagtiyaga para tumingin at mag-“apply” sa “classified ads” ng mga diyaryo natin. Pagkatapos, ang masusumpungan ko lang ay ang mga katagang: “must be graduates of UP, Ateneo, La Salle, UST, Miriam…” Diskriminasyon ang tawag dito – diskriminasyon sa sarili kong bayan, hindi mo ba alam? Mga “super humans” ba ang mga nagtapos sa mga ganoong eskwelahan? OK, mas magagaling at matatalino na nga sila…kaya pala sila ang mga nagiging opisyal ng ating bayan.

Bakit sa ibang bansa, may tinatawag na “Equal Opportunity Employment”?

Kasi…doon, hindi pamantayan kung ano ang kulay ng iyong balat. Doon, hindi pamantayan kung ang iyong estado ay “matamis” o “maalat”. Doon, hindi pamantayan kung sa Maynila o sa probinsya ang iyong pinanggalingan. Doon, hindi pamantayan kung ano ang pangalan ng iyong eskwelahan. Doon, hindi pamantayan kung ano ang relihiyon mo. Doon, ang pamantayan ay kung ano ang iyong tinapos o “qualifications”, ano ang iyong “experience” at ano ang sa kumpanya’y maitutulong mo.

Bakit mas gugustuhin ko pa na dalhin ang aking pamilya at doon na manirahan?

Kasi…doon, hindi problema ang tubig, kuryente at telepono. Doon, makakapamasyal ka sa kahit saan at makakapaglakad ka sa kahit na anong oras na hindi ka matatakot dahil walang gagalaw sa ‘yo. Doon, kapag naka-iwan ka ng payong sa isang lugar ay mababalikan mo pa dahil walang kukuha. Doon, malinis ang kapaligiran kahit saan ka pumunta. Doon, lahat ay may maayos na tirahan. Doon, lahat ay may mahusay na pamayanan. Doon, wala kang makikitang “street children” o pulubing hihingi ng limos sa daan. Doon, hindi ka maaasar magmaneho ng sasakyan dahil lahat ay nagbibigayan.

Doon, nasusunod at iginagalang ang batas ng bayan. Doon, mayroong “jury” bukod sa “judge” kaya ang hatol ay di nababayaran. Doon, malalaki ang mga multa kaya halos lahat ay sumusunod sa batas. Doon, ang mga pulis, militar, at kawani ng gobyerno ay hindi na kailangang mag-“sideline” o matuksong humingi at tumanggap ng “lagay” dahil ang kanilang mga sahod at benepisyo ay mataas. Doon, tinitingnan ang “morality”, “credibility” at “integrity” ng isang kandidato kung karapat-dapat nga siyang mamuno para sa bayan. Doon, alam ng isang kawani ng gobyerno na nagsisilbi siya para sa bayan. Doon, alam din niya na ang kanyang sinusweldo ay galing sa pawis ng masa kaya mas lalo nyang pinag-iigihan ang kanyang serbisyo. Doon, alam din niya na responsibilidad at hindi posisyon kaya siya pinagkatiwalaang maupo sa gobyerno.

Doon, ang “retirement benefits” ng “senior citizens” ay hustong nagagamit. Doon, sulit ang binayad mong buwis dahil makikita mo kung paano at saan ginamit. Doon, ang paraan ng transaksyon sa gobyerno ay makabago at mabilis kaya di ka maiinip. Kaya ngayo’y malinaw na sa akin kung bakit ang aking ama ay nagpabago ng kanyang “citizenship”.
Back to top
Guest






PostPosted: Mon Jan 17, 2005 4:21 am    Post subject: Reply with quote

Sa dami ng sinabi kong “pangit” tungkol sa Pilipinas, ewan ko ba kung bakit hanggang ngayon ay naniniwala pa rin akong may pag-asa pa ang ating bayan.

May pag-asa pa dahil: bakit ang mga Pilipino kapag nasa ibang bansa, masisipag at mahuhusay magtrabaho? Bakit ang mga Pilipino kapag nasa ibang bansa, sumusunod sa mga batas nito? Bakit ang mga Pilipino kapag nasa ibang bansa, marunong irespeto ang kahit na sino? Bakit ang mga Pilipino kapag nasa ibang bansa, maganda ang samahan sa kapwa Pilipino? Bakit ang mga Pilipino kapag nasa ibang bansa, alam nila kung ano ang mali at tama? Bakit ang mga Pilipino kapag nasa ibang bansa, alam nilang gawin ang mabuti at iwasan ang masama?

Kaya naiinis ako kung bakit nakakaisip pa rin ako ng mga pangarap para sa ating bayan. Mga pangarap? Oo, mga pangarap.

Na sana, dumating ang panahon na “first-world country” na ang turing nila sa atin. Sana, dumating ang panahon na kapag sinabi mong “I am a Filipino”, isasambit nila agad: “You’re from a great country, the Philippines”. Sana, dumating ang panahon na kahit saan ka pumunta, hindi na kailangan ng “tourist visa” dahil Pinoy ka. Sana, dumating ang panahon na dahil sa “ganda” ng buong Pilipinas…maraming turista ang magkukumahog bumisita.

Sana, dumating ang panahon na hindi na kailangang mawalay pa sa pamilya at magpaka-“alipin” sa ibang bansa ang ating mga kababayan. Sana, dumating ang panahon na tayo na ang kumukuha ng mga “domestic helpers” mula sa ibang bayan. Sana, dumating ang panahon na tayo na ang naghahanap ng mga “expats” dahil ang mga trabahador sa atin ay kulang. Kaya sana, dumating ang panahon na ang lahat ng Pilipino ay may marangal at de-kaledad na hanap-buhay sa sarili niyang bayan.

Hanap-buhay na pang-matagalan…hindi pamatid-gutom lang.


Pilosopotasyo (nais ko po na ang Diyos na lang ang magpakilala kung sino po talaga ako…sa Kanyang tamang panahon – hindi po mababayaran ito ng kahit na magkano)
Back to top
anniebatungbakal
Guest





PostPosted: Mon Jan 17, 2005 11:34 am    Post subject: PAGBABAGO Reply with quote

pilosopotasyo, madami kang nabanggit na puna sa ating bayan. tutoo ang lahat ng mga ito, pero nais ko rin ibahagi at idagdag: bakit hindi natin tingnan ang ating sarili sa loob ng isang bilog. sa labas ng bilog na yon ay ang mga bagay na iyong napansin, at sa LOOB ay ang mga maari natin gawin para mapagbuti ang kalalagayan ng ating bayan bilang indibidwal. pwede nating simulan sa ating sarili and we can move on from our own selves to others. kasi kung wala naman tayong gagawin bilang indibidwal, at "todo-pasa" lang tayo, dahil ganyan na ang PILIPINAS ng pinanganak ako, at ganyan na rin yan hanggang sa pumanaw ako...eh WALA! ika nga we have to make a stand. paano nga ba ang PAGBABAGO na pinapangarap natin? kailangan mag-simula sa isa...dalawa...parang domino effect din di ba? e sa simpleng pagtawid lang e nahihirapan pa tayo magdisisyon kung sasabay ka sa agos o mananatili ka sa kinatatayuan mo...mag-antay ka ng "red" stop sign bago ka tumawid.... kailangan pa ba natin ang "kamay na bakal" para matulad sa mga bayan na ngayon ay nalagpasan na ang ating bansa?
Back to top
Pilosopotasyo
Guest





PostPosted: Sun Jan 30, 2005 10:13 pm    Post subject: Reply with quote

ANG KALABAN

Enero 2005

Nakakalungkot isiping napakagulo sa bayan natin, hindi mo ba pansin?
Ang laman ng diyaryo’y laging pangit, masamang balita ang laging nakahain
Sadya bang mahilig tayong makipag-away,
Makanti lang ng kaunti, di na masaway?

Bakit ba nagkaroon ng mga leftists, rightists, at Muslim separatists sa atin?
Sa ibang bansa wala namang tulad nito, ang Pilipinas ay walang kahambing
Bakit ba kailangan pang makipaglaban,
Ang pag-aaway ba ay may kahihinatnan?

Madalas ko ngang itanong: Sino ang kalaban at ano ang ipinaglalaban?
Muslim at Kristiyano, mahirap at mayaman – heto nga ba ang mga dahilan?
Kung prinsipyo’y iginalang, sya’y nirespeto
Sa ating bayan, hindi sana nagkagulo

Ako nga’y nalilito, ipinagmamalaki mo bang malaya ang ating bayan?
Ako rin ay nababato, pinagpipitagan mo bang tayo ay may kalayaan?
Malaya? Kailan ka ba naging malaya?
Buksan ang mga mata nang iyong makita

Paano ka naging malaya kung ika’y may dalang takot paglabas mo ng bahay?
Kailangan mong mag-ingat at maging listo para maka-uwi ka ng mahusay
May bahay ka nga na malaki at magara,
Tingnan ng maigi at mukha namang hawla

Paano ka naging malaya kung ang bayan ay baon sa napakalaking utang?
Utang mula sa mga banyaga, kaya nga’t nadidiktahan ng mga dayuhan
Utang na kada taon nga ay lumalaki
Kaya marami sa atin ngayo’y pulubi

Paano ka naging malaya kung sariling bayan ay may iba’t ibang alitan?
Sarili nating kalahi, kadugo, kapatid – itinuring na mga kalaban
Kung prinsipyo’y iginalang, sya’y nirespeto
Ang ating bayan ay hindi sana magulo

Paano ka naging malaya kung ang isip at gawi mo’y laging sa kasamaan?
Kung sa Diyos ika’y sumusunod, isip at gawi mo’y laging sa kabutihan lang
Saan ka ba talaga TUNAY na malaya,
Ang maging matuwid o di kaaya-aya?

Sabi nila, malaya ka kapag nagagawa mo ang lahat ng nais mong gawin
Sabi ko naman, hindi lahat ng malaya mong gawin ay tama nga sa paningin
Malaya kang pumili ng mali o tama
Pero s’an sa dalawa TUNAY kang malaya?

Kung papaniga’y mali o tama, mabuti o masama: hindi pwedeng gumitna
Dahil tiyak ang patutunguhan: pag gumitna’y hahatakin ka lang ng masama
Saan ka ba talaga TUNAY na masaya,
Ang gumawa ng mabuti o ng masama?

Tanong mo: Ano ang basehan ng mali sa tama at ng mabuti sa masama?
Sagot ko: Ang pamantayan ng Diyos, pero ang tao’y hindi naman makapasa
Kaya nga pamantayan ng tao’y ginawa
Para ang mali sa tama ay mas makita

Pero mismong batas ng tao, na tao rin ang gumawa, di pa rin nasusunod
Dahil sadyang mas nais ng tao na sa sariling gusto niya napapaanod
Kung isa ka nga sa kahalintulad nito
Alam mo bang sarili mo ang kalaban mo?

Sa labas ng ating bayan, may nangyayaring ibang labanan – alam mo ba iyon?
Tagisan ng galing at pag-angat ng ekonomiya sa ngayo’y labanan doon
Globalisasyon, iyan ang matunog ngayon
Nahan ka bayan ko, kasali ka ba roon?

Paano nga makakasali kung sa “bulok na sistema” ang bayan ay nakain?
Isipin mo kapatid, bayan nating magulo ba’t di natin simulang ayusin?
Kung hindi NGAYON, kailan pa sisimulan?
Kung hindi TAYO, SINO ang unang hahakbang?

Ano pa ba ang hinihintay, ang bayan natin ngayo’y nalugmok na sa masama?
Ano pa ba ang inaantabay, na ang ating bansa ay mawala na sa mapa?
Bayan ko, mga mata’y huwag nang takipan
Bayan ko, kinakain ka na ng kalaban
Back to top
Pilosopotasyo
Guest





PostPosted: Fri Feb 04, 2005 3:56 pm    Post subject: Reply with quote

SAM-PA

Pebrero 2005

Sa hindi ko malamang dahilan, may tumubong puno ng bulak sa harap ng aming bahay. Taong 1998, nagsisimula pa lang ang pagsibol nito – “bubwit” pa. May mga kapitbahay at pati na mga kapatid ko na nagtanong sa akin noon kung OK lang daw ba na magkaroon ako ng ganoong tanim sa aking bakuran. “Siguro OK lang”, ang sagot ko. “Para magkaroon naman ng lilim sa may bakuran ko – presko lalo na kung tag-init”. Kaya binansagan ko siya sa pangalang SAM-PA (para gawin ko rin siyang poste ng “sampayan” ng mga damit)…at hinayaan ko siyang tumubo.

Lumipas ang dalawang taon, ang bilis niyang lumaki. Lagpas-bahay na nga siya sa taas na isang palapag. Ang nakakagulat nito, hindi ko man lang inalagaan si SAM-PA – lumaki na lang siya sa panahon. Pero ang hindi ko inaasahan, hitik pala sa mga sanga kapag tumubo ang punong ito. Umabot na nga sa kable ng kuryente at telepono ang ilang mga sanga niya kaya pag malakas ang hangin o kaya’y bumagyo, nahahagip na ni SAM-PA ang mga ito. Bukod dito, makalat sa dahon kapag naglagas si SAM-PA. Araw-araw, kailangang walisan pati labas ng maliit naming bakuran dahil nga makalat siya sa dahon. Kung hindi magwawalis, magbabara ang imburnal at siguradong babaha sa kalsada kapag umulan ng malakas. Pati nga bubong ng bahay ay apektado. Nag-iipon na nga ng mga dahon sa alulod, may plano pang sirain ng mga sanga ni SAM-PA ang bubong ng bahay. Meron pa pala, nagbubuga ng mga “dagta” si SAM-PA. Hindi ka pwedeng tumambay sa ilalim ng punong ito dahil pupulbusin ka ng mga maliliit pero malalagkit na ampiyas kapag nagtagal ka. Papaano pa kaya kung magsampay ka ng mga damit sa ilalim nito.

“Pasakit ka lang pala sa akin”, nasambit ko tuloy. “Kaya hangga’t kaya ko pa, puputulin na kita”.

Ilang araw bago mag-Sabado, hinanda ko ang mga gamit na alam kong kakailanganin para simulan na siyang tibagin: itak, lagaring pang-kahoy, makapal at mahabang lubid, hagdan, protective eye glasses at makapal na hand gloves na gawa sa maong. Bakit kailangan ng makapal na hand gloves? Kasi, ang katawan ni SAM-PA ay napapalibutan ng mga biluging matinik – para siyang tinadtad ng taghiyawat na ang mga mata ay may matigas na tinik (kamukha ng matang-pinya). Pwede pa ngang gawing pangkayod ng niyog ang mga tinik nito dahil talagang masasaktan kahit palad ng kahit sino kapag nadikit dito. Kahit palad ng isang construction worker.

Sabado, sinimulan ko ang “misyon” na iyon ng alas-siete ng umaga. Para ‘ka ko matapos ko agad at hindi ako abutan ng tanghali at tindi ng sikat ng araw. Maganda ang panahon ng araw na iyon.

Sinunod ko ang plano: putulin ang bawat isang sanga mula sa itaas hanggang sa ibaba. Katulong ko pa si misis sa paghawi ng mga sangang nahuhulog sa kalsada, para hindi rin maging sagabal sa daan ang mga ito at si misis bilang early warning device. Hindi pala biro ang magputol ng mga sanga ng puno. Kahit ganoon pa lang kalaki si SAM-PA, pinahirapan na niya ako. At nang maubos ang mga sanga, pinutol ko ang katawan sa gitna. “Hayan, siguro naman hindi ka na lalaki! Pinutol lang kita sa gitna para pwede ka pang maging poste ng sampayan”, sabi ko. Pananghalian lang ang naging pahinga ko noon dahil dapit-hapon na nang matapos ang ginawa kong iyon.

Makalipas ang dalawa pang taon, hindi napigilan sa pagtubo si SAM-PA. Kahit pa nahati na ang katawan niya, muli siyang umusbong mula sa mismong pinaghatian nito. At nagkaroon pa siya ng mas maraming sanga. Kaya bumalik muli sa dati ang mga problema. “Nang-aasar ka ba?” tanong ko. Ayon kasi sa ilang mga nabasa at napagtanungan ko, maaari raw mamatay ang isang puno kapag pinutol na ang katawan nito. Wala pa lang katotohanan ang kasabihang ito kung ang basehan ay si SAM-PA.

“Hindi lang kita hahatiin. Ipapaputol pa kita hanggang ilalim.”

Naghanap pa ako ng uupahan para magputol. Nang masimulan ang pagputol noong isang Sabado, natapos din niya ang “misyon” na iyon ng isang buong araw. Pero ang kaibahan, pinaputol ko na ang buong katawan ni SAM-PA. Wala na akong poste ng sampayan. Wala na rin akong iintindihing dagdag na mga problema. At hindi pa ako nakuntento, doon mismo sa pinagtibagan ang naging lugar para laging magsiga ng kahit na ano.

“Hayan, siguro naman patay ka na!”

Makalipas ang ilang panahon, nagbakasyon muna kami ni misis. Ilang buwan naiwan ang aming bahay at bakuran na walang tao (pero pinabilin sa mga kapatid na bantayan naman kahit paano). Pagbalik namin, nagulantang ang aming mga paningin sa bakuran ng aming bahay: muling tumubo si SAM-PA! At hindi lang siya basta tumubo, dumami ang kanyang katawan!

“Matindi ka SAM-PA! Simula ngayon, tatawagin na kitang SUMPA!”

At ngayon ko napagtanto na ang solusyon para mamatay si SUMPA ay hugutin na ang LAHAT ng mga UGAT nito mula sa lupa. Kahit gaano pa kalalim ang mga ugat nito, kahit na hukayin ng malalim ang bakuran namin – OK lang basta mawala na si SUMPA. Kapag nawala si SUMPA, siguradong hindi na ako magagambala. Wala na akong iisipang dagdag na mga problema. Panahon, pagod at pera ko’y hindi na rin maaaksaya. Marami pa sana akong nagawang maganda katumbas ng mga panahong naaksaya. At hindi na rin siya magiging sagabal sa iba. Kung noon pa lang na mura pa, pinahugot ko na sana ang buong katawan…pati ang ugat niya.

Naalala ko tuloy ang sitwasyon ngayon sa Pilipinas. Ang "bulok na sistema"...malala na…malalim na ang ugat…parang si SUMPA. Walang pinagka-iba, hindi ba?
Back to top
Guest






PostPosted: Sat Feb 05, 2005 4:23 pm    Post subject: Reply with quote

Hey! what are u trying to point out??? ur energy wont go to waste if u rather contribute them for the consumption of the masa!!!
Back to top
AziaNxpaT
Guest





PostPosted: Sun Feb 06, 2005 4:14 pm    Post subject: Reply with quote

P'tasyo - I suggest you also access the usenet newsgroups (eg. soc.culture.filipino ). Your messages will surely be noticed widely in this respect. goodluck .
AziaNxpaT
Back to top
AziaNxpaT
Guest





PostPosted: Sun Feb 06, 2005 4:16 pm    Post subject: Reply with quote

P'tasyo - I suggest you also access the usenet newsgroups (eg. soc.culture.filipino ). Your messages will surely be noticed widely in this respect. goodluck .
AziaNxpaT
Back to top
AziaNxpaT
Guest





PostPosted: Sun Feb 06, 2005 4:17 pm    Post subject: Reply with quote

P'tasyo - I suggest you also access the usenet newsgroups (eg. soc.culture.filipino ). Your messages will surely be noticed widely in this respect. goodluck .
AziaNxpaT
Back to top
Post new topic   Reply to topic    : New Zealand Forum Forum Index -> Immigration & Working All times are GMT + 12 Hours
Goto page 1, 2  Next
Page 1 of 2

 
You cannot post new topics in this forum
You cannot reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum
Contact
Hiking :: Fauna & Flora :: About New Zealand :: Photo's :: Backpackers Travel Insurance

(c) Backpack New Zealand 2005 :: Powered by Phpbb - Terms of use